2 patay sa magkahiwalay na kaso ng banggaan sa Aklan

ABS-CBN News

Posted at Dec 20 2019 08:06 AM | Updated as of Dec 20 2019 08:47 AM

MAKATO, AKLAN – Dalawang lalaki ang patay matapos ang dalawang magkaibang insidente ng banggaan, Huwebes, sa Makato, Aklan.

Halos maputol na ang binti ni Ernie Cawaling, 66, na residente ng Barangay Mantiguid, Makato, Aklan matapos mabangga ng bus malapit sa kanilang bahay, Huwebes ng hapon.

Sa imbestigasyon ni Police Staff Sgt. Jover Zubiaga, nakasakay si Cawaling sa motorsiklo nang biglang naharurot ng 19 anyos na nagmamaneho papunta sa kalsada ang sasakyan.

Tumilapon ang biktima sa kabilang lane at nasagasaan ng 35 anyos na si Elmar Delayun, driver ng bus.

Sinubukang dalhin si Cawaling sa pinakamalapit na ospital ngunit binawian na ito ng buhay.

Ayon kay Zubiaga, nagkaroon naman ng kasunduan na magbibigay ng financial assistance ang kumpaniya ng bus sa biktima.

Alas-7 ng gabi naman sa Barangay Poblacion, patay ang 50 anyos na tricycle driver na si Rogelio Paredes matapos ang isang banggaan.

Sa imbestigasyon ng Makato Municipal Police Station, hindi nakontrol ni Paredes ang sinasakyang motorsiklo at nabangga sa 36 anyos na tricycle driver, Joseph Ilig.

Dagdag pa ni Zubiaga, posibleng kritikal na sugat ang natamo ng biktima sa ulo kaya ito namatay. Pumanaw si Paredes habang ginagamot sa ospital.

Nasa kustodiya naman ng Makato Municipal Police Station si Ilig at maaaring kumaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.