18 sugatan sa pagbagsak ng tulay sa Zamboanga Sibugay

ABS-CBN News

Posted at Dec 20 2019 09:31 PM

Mga 17 estudyante, kasama ang kanilang guro, ang sugatan matapos bumagsak ang isang tulay sa bayan ng Naga sa Zamboanga Sibugay nitong Linggo.

Ayon kay Police Capt. Jervie Alfonso, hepe ng Naga municipal police station, papunta sana ang grupo ng mga estudyante sa Tipan Cave para mamasyal kasama ang kanilang guro pero nang sabay-sabay silang tumawid sa tulay papunta sa kweba, ay biglang naputol ang lumang kable nito.

Nahulog sa Tipan River ang mga estudyante at ang kanilang guro na si Emanuel Digamon.

Anim sa kanila ang nagtamo ng major injury sa katawan at ulo matapos silang bumagsak sa mga malalaking bato sa ilog habang ang iba naman nagkaroon ng minor injury.

Karamihan sa mga nasugatan ay dinala sa provincial hospital sa bayan ng Ipil habang ang iba ay dinala sa isang ospital sa Zamboanga City.

Ayon kay Alfonso, higit 20 talampakan ang taas ng tulay na may kapasidad lang para sa 5 hanggang 7 tao kung sabay-sabay na tatawid.

Huwebes lamang umano nalaman ng Naga Police ang insidente dahil wala kasing nag-report agad sa kanilang opisina kaugnay sa pangyayari.

Ayon kay Alfonso, iniimbestigahan na nila kung sino ang nagbigay ng pahintulot sa mga estudyante na pumunta sa Tipan Cave at kung nagpaalam din sila sa kani-kanilang magulang, dahil hindi kasi nakipag-ugnayan ang mga biktima sa mga opisyal ng Barangay Tipan bago pumunta sa lugar. — Ulat ni RJ Rosalado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.