Mga biyahe papuntang Cagayan, Ilocos, fully booked na

Ron Lopez, ABS-CBN News

Posted at Dec 20 2018 10:55 PM

MAYNILA - Limang araw bago ang Pasko, fully booked na ang mga byahe papuntang northern Luzon sa Florida Bus terminal sa Sampaloc, Maynila.

Ubos na ang reservation para sa mga biyaheng Ilocos at Cagayan tulad ng Tuegarao mula ngayong araw hanggang Linggo, December 23.

Ang biyaheng Ilocos, nagdagdag na ng dalawang special trip Huwebes ng umaga ngunit pagdating ng gabi ay paubos na rin ito dahil sa dami ng mga nag-aabang na mga pasahero.

Dahil dito, ang ilang pasahero ay maghihintay na lang ng pagkakataon na may hindi dumating na pasaherong may reservation bagama't unahan din dahil sa dami ng gustong makasakay.

Ayon sa mga dispatcher, posible ring magkaroon pa ng dagdag na biyahe pero sa mismong araw na ito malalaman at nakadepende kung makababalik agad sa terminal ang mga bus mula sa norte.

Halos fully booked na rin ang mga biyahe mula December 26 hanggang December 30, para naman sa mga uuwi sa probinsya para sa bagong taon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.