Hinihinalang terorista timbog sa GenSan

ABS-CBN News

Posted at Dec 20 2018 03:43 PM


Arestado ang isang hinihinalang terorista matapos mahulihan ng granada sa Barangay Dadiangas East, General Santos City nitong Huwebes.

Ayon kay Superintendent Christopher Bermudez, hepe ng Regional Intelligence Unit 12, kinilala ang suspek na si Jamio Sala alyas "Jamiung."
 
Inaresto si Sala sa bisa ng isang martial law arrest order matapos makatanggap ng ulat na nag-iingat siya ng pampasabog. Narekober sa kaniya ang isang fragmentation grenade. 

Hinihinalang miyembro ito ng Ansar Khalifa Philippines na konektado umano sa mga teroristang grupong Isis at Maute.

Sangkot din daw ang suspek sa ilang pag-atake at pagpapasabog sa Sarangani province mula pa noong 2008.

Pinaniniwalaang kasama siya sa nagpasabog sa tapat ng General Santos City Hall noong 2014 na ikinasugat ng pitong tao.

Parte rin umano si Sala sa pagpapasabog sa Maasim, Sarangani na ikinasawi ng isang pulis noong 2016.

—Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.