'Vinta' pinaghahandaan na ng mga taga-Mati City

Berchan Angchay, ABS-CBN News

Posted at Dec 20 2017 07:55 PM | Updated as of Dec 21 2017 05:53 PM

MATI CITY – Agad nagpulong para sa pre-disaster risk assessment ang City Disaster Risk Reduction Management Office ng lungsod upang paghandaan ang epekto ng Tropical Depression "Vinta," na naka-pasok na sa Philippine area of responsibility Miyerkoles ng umaga sa silangang bahagi ng Mindanao.

Ayon kay Charlie Bagasol, ang Action Officer ng Mati City Disaster Risk Reduction and Management Council, nakaantabay na ang kanilang emergency response team. Handa na rin ang mga evacuation center sakaling kakailanganin. 

Isa ang Mati City sa nakaranas ng matinding pinsala sa paghagupit ng bagyong Pablo noong Disyembre 2012.

Sakaling lumakas, ang tropical depression ay posibleng dumaan sa direksyong tinahak noon ng bagyong Pablo.

Inabisuhan na rin ang lahat ng mga residente na patuloy na makipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan upang maiwasan ang sakuna.

Sa 26 na barangay ng Mati City, 16 ang nasa coastal area.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.