P80-K halaga ng 'shabu', nakumpiska sa Ilocos Norte

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Dec 20 2017 06:58 PM

Nakumpiska ang 17 sachet at maliit na boteng may hinihinalang shabu, at mga bala ng armas sa bahay ng isang barangay secretary sa Ilocos Norte nitong Lunes.

Arestado ang isang barangay secretary sa bayan ng Badoc, Ilocos Norte matapos mahulihan ng ilegal na droga at mga bala ng armas nitong Lunes.

Nakumpiska ang 17 sachet at maliit na boteng may hinihinalang shabu sa bahay ni Franklin Pascua, 42, sa Barangay Napu. Ayon sa mga awtoridad, tinatayang nasa P80,000 ang halaga ng ilegal na drogang nahuli mula kay Pascua.

Narekober din ang isang magazine ng M16 Armalite rifle na may lamang 20 bala, at dalawang bala ng 9mm pistol.

“During the search, ito po ay incidental to the lawful search na wala dito sa search warrant. May mga nakuha tayong mga prohibited drugs," ani Sr. Insp. Joseph Tayaban, hepe ng Badoc Police Station.

Dagdag niya, kasama si Pascua sa PDEA drug watch list at konektado sa isang big time drug suspect sa Ilocos Norte.

Tumangging magbigay ng pahayag si Pascua pero iginiit na hindi sa kanya ang mga ebidensiyang nakuha at itinaggi ang mga alegasyon sa kanyang koneksiyon sa operasyon ng ilegal na droga.

Haharap ang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.