Mga Pulis-Cebu, may kakaibang gimik sa pamimigay ng pamasko

ABS-CBN News

Posted at Dec 20 2017 02:28 PM | Updated as of Dec 21 2017 12:58 AM

Watch more in iWant or iWantTFC

Namamasada ang tsuper ng jeep na si Louie Oyan sa Salinas Drive sa Barangay Lahug, Cebu City nitong Martes nang bigla itong parahin ng mga pulis.

Ayon kay Oyan, kinabahan siya dahil inakusahan siyang lumabag sa batas-trapiko, na hindi naman umano niya ginawa.

Kaya laking gulat nito nang biglang umawit ng Christmas carols ang mga pulis.

"Natakot at nagulat ako pero nang kumanta na sila natuwa ako," ani Oyan.

Binigyan pa siya ng mga pamaskong grocery items.

Isa si Oyan sa mga tsuper na sinorpresa ng mga miyembro ng Mabolo Police Station sa Cebu City.

Ideya ng mga pulis na magtalaga ng kunyaring checkpoint para takutin ang mga tsuper ng public utility vehicles (PUV) bago awitan.

"Initially, plano namin ... mangaroling tayo sa different households tsaka mamimigay ng regalo," ani Chief Inspector Clark Arriola, hepe ng Mabolo Police Station.

"Pero parang marami na ang gumagawa nito sa ibang police stations. So naghanap tayo ng ibang activity," aniya.

Bukod sa pagpapasaya, layunin din ng mga pulis na magbigay ng tulong sa mga taong naghahanapbuhay nang matino, gaya ng mga PUV driver.

Nasa 80 balde ng grocery items ang inihanda ng mga pulis para sa mga tsuper sa limang lugar sa Cebu City.

-- Ulat ni Randy Jainar, ABS-CBN News
 

Watch more in iWant or iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.