Lupang gumuho sa Biliran, dati nang mapanganib: MGB

ABS-CBN News

Posted at Dec 20 2017 04:54 PM

Hinahanap ng mga miyembro ng search and rescue group ang mga bangkay na nabaon sa ilalim ng mga malalaking bato at putik sa Barangay Lucsoon, Naval, Biliran noong Lunes. Kuha ng Police Regional Office 8

Karamihan sa mga nasawi sa pananalasa ng bagyong "Urduja" sa kapuluan ay dahil sa mga landslide o gumuhong lupa. 

Nitong Miyerkoles, pumalo na sa 36 ang bilang ng iniwang patay ng bagyo sa lalawigan ng Biliran, batay sa nakuhang mga bangkay sa lugar ng landslides.

Nasa 52 indibidwal pa rin ang nawawala. 

Kaya sinimulan nang suriin ng mga geologist ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) ang mga lupang gumuho sa Biliran. 

Watch more in iWant or iWantTFC

Pero ayon sa sangay ng MGB sa Eastern Visayas, bago pa man humagupit ang Urduja'y nagbabala na sila sa peligro ng landslide.

Lumabas kasi sa kanilang pag-aaral na mataas ang vulnerability o tsansa ng landslide sa Biliran, lalo na sa bayan ng Naval. 

"Last year, we conducted vulnerability risk assessment ng bayan ng Naval at binigyan na namin sila ng advisory kung nasaan ang mga delikadong lugar," ani Valentin Narido, chief geologist ng MGB-Eastern Visayas.

Volcanic soil ang lupa sa Biliran kaya malaki ang posibilidad ng pagguho kapag maraming tubig ang naiipon, ayon sa MGB.

"Marami doon mga boulder, malalaking boulder. At 'yong putik o 'yung nagiging soil is water-absorbing, kaya the more you rain, the more na nare-retain sa soil ang lupa at bigla-bigla itong magbe-behave like water," paliwanag ni Narido. 

Pupuntahan din ng MGB ang iba pang lugar sa Eastern Visayas na may nangyaring landslide.

Nasa 43 ang kabuuang bilang ng kumpirmadong patay dahil sa Urduja, ayon sa huling tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council.

-- Ulat ni Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.