Lalaking modus ang website sa panloloko ng may credit card, bistado

ABS-CBN News

Posted at Dec 20 2017 10:20 PM | Updated as of Dec 20 2017 10:48 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Arestado ang 22 anyos na lalaking nambiktima ng mga credit card holder sa isang phishing site. 

Inaresto ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) si Ace Candelario nitong Martes sa loob ng kaniyang bahay sa San Pedro, Laguna. 

Unang nagreklamo ang mga bangko sa dami ng "disputed transactions" ng cardholders kaya nagsagawa ng imbestigasyon ang pulisya, ayon kay Senior Inspector Artemio Cinco. 

Ayon pa sa PNP-ACG, modus ni Candelario na magpadala ng email sa mga cardholder at pinapalabas niyang galing ito sa bangko.

Kapag nabuksan ang pinadalang link, mada-divert sa isang phishing site ang biktima, at dahil inakalang bangko ang nagpapa-update ng record, ii-encode tuloy ng biktima ang personal details.
    
Kapag nakuha na ang mga impormasyon mula sa cardholder, magagamit na ito sa online shopping sites at online food deliveries.

Isa pang paraan para makuha ang cardholder information ay kapag na-hack nila ang mga website na may record ng cardholders.

Payo naman ng awtoridad, mag-ingat sa pagbukas ng spam emails at huwag basta-basta magbigay ng personal na detalye online o sa mga tawag sa telepono.

Maging mapanuri rin anila o kabisaduhin ang itsura at ang tunay na website ng isang bangko.

-- Ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.