Kaanak ng mga natabunan sa 'Urduja', di nawawalan ng pag-asa

ABS-CBN News

Posted at Dec 20 2017 11:31 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Isa ang bayan ng Caibiran, Biliran sa mga napuruhan ng bagyong "Urduja" nang manalasa ito sa kapuluan.

Gumuho ang malaking bahagi ng kalsada sa Barangay Macalpi sa naturang bayan dahil sa landslide bunsod ng walang tigil na pag-ulang dala ng bagyo.

Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), pito ang natagpuang bangkay habang siyam pa ang pinaghahanap.

Patuloy ang paghuhukay ng mga sundalo sa lugar.

Ayon kay Lolito Rosel, pinuno ng MDRRMO, nagbigay ng payo ang doktor na maglabas na ng death certificate kapag hindi pa nahanap ang mga katawan sa loob ng anim na araw. 

Ngunit hindi nawawalan ng pag-asa ang kaanak ng mga nawawala.

Kabilang sa mga hinahanap ay ang manugang at apo ni Paquito Bolondo.

Ayon kay Bolondo, hindi pa rin ito bumibitaw sa posibilidad na buhay pa ang mga kaanak. Pero sakaling wala na ang mga ito'y nais lang niyang makita kahit ang mga katawan.

Hirap ding mapuntahan at mahatiran ng pagkain ang ilang sitio dahil sa landslide.

Hygiene kits ang unang ipinamahagi ng Municipal Social Welfare and Development Office habang hinihintay ang food packs mula sa bayan ng Naval.

Sa Huwebes, Disyembre 21, inaasahang makararating ang relief packs sa higit 100 apektadong pamilya sa lugar. 

Nitong Miyerkoles, dumating ang karagdagang relief goods sa Naval, lulan ng mga barko ng Philippine Coast Guard.

Ayon sa DSWD-Biliran, higit 4,000 food packs na ang dumating sa Biliran.

Watch more in iWant or iWantTFC

Pamasko sa mga estudyante

Bukod sa Macalpi, isa rin ang Barangay Lucsoon sa Naval sa mga nakaranas ng landslide.

Sa higit 30 nahukay na bangkay sa Biliran, 11 ang mga bata, kabilang ang walong estudyante ng Lucsoon Elementary School. 

Nitong Miyerkoles ng umaga, naka-half mast ang watawat sa paaralan bilang pag-alala sa mga estudyanteng hindi nakaligtas sa pagguho.

Kaya upang maibsan ang pagdadalamhati ng mga musmos na estudyante, bumisita ang ilang estudyante at guro mula sa Naval town proper sa Lucsoon Elementary School.

Bitbit nila ang mga balot na regalo para sa mga bata. Bukod rito'y may handog din silang awitin.

Para kay Jenix Despacio, isa sa mga estudyante sa town proper, pakiramdam niya'y naging ate siya sa mga batang naghahanap ng kalinga.

"Siyempre po masaya, ang mga mukha po kasi nila masaya," ani Despacio.

Laking pasasalamat naman ni Jocelyn Entero, na nasa ikaanim na baitang, sa natanggap na regalong canned goods.

Ani Entero, ibabahagi niya ito sa kaniyang mga kapatid.

Labis ang pangungulila ni Entero sa mga kaklaseng kasama sa mga nasawi.

Naniniwala naman ang batang si PJ Caliao na makakabangon sila muli kahit nawalan siya ng ama at kapatid sa landslide.

"Mga batang tulad ko na nadamay sa landslide, maging positibo at mabait na bata," ani Caliao.

Ayon sa principal na si Ellora Sabonsolin, mahalaga na pinapakita sa mga bata ang pag-unawa at pagmamahal.

"Maka-uplift sa mga psychological feelings nila. Para maramdaman naman nila na may nag-care sa kanila," ani Sabonsolin. "They have to accept na behind problems, there are solutions."

Samantala, natanggal na ang malalaking batong nakaharang sa Cross Country Road sa Barangay Lucsoon.

Nadadaanan na ito ng mga sasakyan subalit pinapauna ang mga heavy equipment na gagamitin sa retrieval operation para sagipin ang mga nasa ilalim pa rin ng guho.

Naibalik na rin noong Martes ng gabi ang kuryente sa Naval, Biliran, Cabucgayan at Caibiran.

Watch more in iWant or iWantTFC

'Kinain ng tubig ang lupa'

Matinding pinsala rin ang tinamo ng Barangay Sto. Niño sa Naval sa kasagsagan ng Urduja.

Ayon sa mga opisyal ng tabing-dagat na barangay, kinain ng tubig ang lupa sa ilalim ng kalsada kaya gumuho ang iba-ibang bahagi nito.

Kabilang sa mga nawasak ay ang mahabang kalsadang nagdurugtong sa barangay sa sentro ng Naval.

Ang ilang bahay na nasa gilid ng seawall, mistulang nilukot ng kalikasan.

Wala namang taga-barangay na nasawi subalit nagtamo ng sugat ang ilang residente. 

Nakuhanan pa ng ilang residenteng lumilikas ang pagsasalubong ng tubig-dagat at baha.

Aminado naman ang ilang residente, gaya ni Mae Ann Rasonabe, na naging kampante ito kaya hindi umalis kahit may abiso ng lokal na pamahalaan.

"Ano lang naman yon eh, hangin 'tsaka ulan tapos di namin alam may landslide pala," ani Rasonabe, na nawalan ng tirahan.

Dahil sa kalunos-lunos na sinapit ng barangay, maging ang mga opisyal ng MSWD ay naluha.

Ayon kay Biliran Governor Gerardo Espina Jr., hindi ito ang unang beses na nasira ang barangay dahil sa hagupit ng bagyo.

"Prone talaga iyan sa mga bagyo na talagang sila ang nada-damage," ani Espina. "Kakausapin ko sila na ilipat na sila siguro sa ibang lugar."

Dagdag pa ni Espina, kailangan nang baguhin ng mga residente ang kanilang pag-uugali pagdating sa paglikas.

May mga residente ng Barangay Sto. Niño ang umalis lang nang bumigay na ang mga kalsada at bahay.

-- Ulat nina Melanie Bingco, Raphael Bosano at Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.