Ilang lugar sa Mindanao, handa sa pagpasok ni 'Vinta'

ABS-CBN News

Posted at Dec 20 2017 05:58 PM | Updated as of Dec 20 2017 06:30 PM

Naghahanda na ang Office of Civil Defense ng Davao region para sa preemptive evacuation ng mga residente bunsod ng inaasahang paghagupit ni "Bagyong Vinta" na pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong Miyerkoles.

Sa monitoring ng PAGASA, magiging malakas umano ang buhos ng ulan sa pagpasok ni Vinta na posibleng tumama sa Eastern Mindanao.
    
Nangangamba ang ilang residente na maranasan din nila ang nangyaring kalamidad sa Visayas na dulot ni "Urduja". 

Ikinakatakot naman ng mangingisdang si Bobong Maghanoy ang patuloy na pagsungit ng panahon sa Davao City dahil ayaw na aniyang maranasang muli ang naging hagupit ng "Bagyong Titang" noong 1970's.
 
Kaya ang ibang mga residente, naghahanda nang lumikas dahil sa posibleng weather disturbance.

Paghahanda sa South Cotabato
 
Naghahanda na rin ang mga barangay na nasa landslide at flooding-prone areas sa South Cotabato kung sakali mang lumala ang sama ng panahon.

Kumilos na ang mga opisyal ng Disaster Risk Reduction and Management Office sa Barangay Saravia sa Koronadal City para sa posibleng rescue at clearing operation.

Ayon kay Kagawad Chito Dalimbang, nakaantabay ang kanilang rescue vests, helmet, spine boards, at megaphones. 

On-call na rin ang mga barangay responder, at laging bukas ang komunikasyon sa mga purok leader.

Madalas na binabaha at nagkaka-landslide sa Brgy. Saravia kapag walang tigil o may malakas na ulan. 

Sa bayan naman ng Tupi sa South Cotabato, handa na rin ang Brgy. Poblacion.

Agad nilang tiniyak na nasa kondisyon ang kanilang rescue vehicle.

Ayon kay Kagawad Vicente Trabado, naka-standby na rin ang kanilang mga vest at helmet.

Handa na rin aniya ang kanilang chainsaw sakaling may matumbang mga puno sa kalsada at kabahayan.

Naka-monitor sa mga kaganapan ang mahigit 1,000 rescue volunteers nila kapag kinakailangan.

--May ulat ni Francis Canlas, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.