Halos P5M iginawad ng PDEA sa mga asset

Angel Movido, ABS-CBN News

Posted at Dec 20 2017 07:43 PM

Nakatanggap ng halos P5 milyon ang 4 na informant ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Miyerkoles nang parangalan ng ahensya ang mga asset na nagtimbre ng malalaking operasyon ng ilegal na droga sa bansa.

Ayon sa mga opisyal ng PDEA, nakatanggap si alyas "Basti" ng halos kalahating milyong piso. Si alyas "Cold Ice" ay binigyan ng mahigit P1 million, si "James" ay nakakuha ng mahigit P1.5 milyon, at si "Toffee" naman ay nagantimpalaan ng P1.8 milyon.

Ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino, aabot sa P20 milyon na halaga ng intelligence fund ang inilalaan ng ahensya kada taon bilang gantimpala sa mga informant.

"Mahalaga itong award system. We get big accomplishments especially sa tulong sa mga agents, law enforcement agencies to get the big fish," ani Aquino.

Nasa 5 informant kada quarter ang binibigyan ng reward depende sa klase ng impormasyon o operasyon na naikasa ng PDEA dahil sa kanilang tulong, sabi ni Aquino.

Ayon kay Aquino, gumagawa ng buwanang evaluation ang PDEA hinggil sa mga informants para maging basehan ng tatanggaping cash reward.

"It is being computed to the last centavo. Pati barya, pati P5 nandun sa envelope," dagdag niya.