Barista binaril habang nagpapatulog ng anak

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Dec 20 2017 08:51 AM

MANILA - Patay ang isang 26-anyos na barista matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang gunman habang pinatutulog ang kaniyang 3-taong-gulang na anak sa pinagtatrabahuhang coffee shop sa Barangay San Isidro, Parañaque, Martes. 

Kuwento ng mga saksi sa pulis, tila nagmamadaling pumasok sa kapihan ang 2 lalaking parehong nakasuot ng jacket, pasado alas-9 ng gabi. 

Bigla na lang umanong binaril ng isa sa kanila ang biktimang si Dan Joseph Alas, na kasama noon ang paslit na anak sa counter ng shop. 
 
Napatakbo pa si Alas dala ang anak sa rest room sa likuran, pero doon na siya bumagsak at binawian ng buhay.
 
Habang nangyari ito, tinutukan naman ng kasamahan ng gunman ang ibang mga tao na nasa shop. 

Bago umalis ang mga salarin, kinuha pa nila ang 2 cellphone na nakapatong sa mga mesa.
 
Narekober sa crime scene ang 6 na basyo ng bala mula sa hinihinalang 9-mm na baril.
 
Inaalam pa ang motibo sa pamamaril. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.