Bahagi ng Bagbag market nasunog; 4 sugatan

ABS-CBN News

Posted at Dec 20 2017 11:08 AM

MANILA - Nasugatan ang 2 residente at 2 bombero matapos masunog ang bahagi ng Bagbag Public Market sa Novaliches, Quezon City, Miyerkoles.
 
Dakong alas-8 ng umaga sumiklab ang sunog sa ikatlong palapag ng residential-commercial building at mabilis na kumalat, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).

Kabilang anila sa mga nasaktan ang mga residenteng sina Riverina Bayola na nalapnos ang kanang braso at pisngi, at Darwin Cagana na nagasgasan sa binti.
 
Nasugatan din ang mga bomberong sina FO1 Augusto Cariaga at FO3 Adrian Darnayla.

Naabo naman ang P300,000 halaga ng ari-arian sa 21 establisyimento apektado ng insidente, dagdag ng BFP.

Iniimbistigahan pa ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog pero pakiwari ni Barangay Captain Rex Ambita ay nagsimula ito sa kawad ng kuryente sa lugar.
 
Nakontrol ang sunog bandang alas-9:15 ng umaga.
 
Ulat ni Joyce Balancio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.