2 patay sa magkahiwalay na aksidente sa motorsiklo

Michelle Soriano, ABS-CBN News

Posted at Dec 20 2016 06:54 PM

PANGASINAN - Dalawa ang patay sa magkahiwalay na aksidente sa motorsiklo sa lalawigan ng Pangasinan.

Nayuping parang lata ang isang motorsiklo matapos sumalpok sa kasalubong na pampasaherong bus sa McArthur Highway sa bayan ng Binmaley Lunes ng gabi.

Ayon sa bus driver, mabagal lang daw ang patakbo niya papuntang Sta. Cruz, Zambales, nang bumulaga sa kanyang linya ang motorsiklo.

Dead on arrival sa ospital ang 21 taong gulang na driver ng motorsiklo na si Aldrin Medios. Napag-alamang expired na rin ang student driver's permit ng biktima.

Wala pang naging pag-uusap sa pagitan ng pamilya ng nasawi at ng kumpanya ng bus.

Bago ito, isang aksidente rin ang naganap sa parehong kalsada Lunes ng hapon.

Sa imbestigasyon ng pulisya, sinakop ng motorsiklong minamaneho ng 45 taong gulang na si Mariano de Guzman ang linya ng kasalubong na motorsiklo na minamaneho ng isang 20 taong gulang na receptionist.

Isinugod pa sa ospital si De Guzman pero binawian din ng buhay dahil sa mga tinamong sugat.

Expired na rin ang student permit ng driver na nakasalpukan nito.

Iniimbestigahan pa ng pulisya kung nakainom ng alak ang mga driver at maging ang mga biktima ng magkasunod na aksidente.

Paalala rin ng otoridad na magdahan-dahan sa pagmamaneho at iwasan ang pagmamaneho kung nakainom ng alak o inaantok.

Samantala, inararo ng isang 10-wheeler truck ang isang remittance center sa Santiago City, Isabela Martes ng umaga.

Nadamay din sa aksidente ang apat na nakaparadang tricycle at motorsiklo.

Kinukumpirma pa ng pulisya ang ulat na may dalawang batang sugatan sa insidente.

Ayon sa imbestigasyon, nawalan ng preno ang trak kaya sinalpok ang mga nasa harapan nito. 

Nagdulot ng madigat na daloy ng trapiko sa lugar ang aksidente. Nawalan din ng kuryente sa lugar dahil sa mga nadamay na poste ng kuryente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.