Senior na may kapansanan, kapatid, patay sa sunog sa QC

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Dec 19 2020 12:23 PM

MAYNILA - Patay ang magkapatid, kabilang ang isang senior na may kapansanan, matapos masunog ang tinitirahang apartment building sa Barangay Bagong Pag-asa sa Quezon City, Biyernes ng gabi.

Watch more on iWantTFC

Natagpuang patay ang 63-anyos na si Salvestro Ramo, na isang PWD, at ang kapatid niyang si Juanita, 58, isang government employee.

Ayon sa Bureau of Fire Protection, nasunog ang limang palapag na apartment building alas-8 ng gabi at na-suffocate umano sila sa loob ng gusali. 

Nakatira sa ikalimang palapag ang magkapatid kaya nahirapan silang makababa agad. 

Ayon sa ilang residente, nagsimula ang apoy sa aircon sa ika-apat na palapag. Dahil luma na ang gusali, mabilis kumalat ang apoy.

Inaalam na ng BFP ang sanhi ng sunog na umabot ng ikalawang alarma. 

Limang pamilya ang nawalan ng tirahan at nasa P150,000 ang halaga ng danyos sa ari-arian.