PatrolPH

PNP: ‘Fake news’ ang kumakalat na memong nagdedeklara ng MECQ sa Metro Manila

Wheng Hidalgo, ABS-CBN News

Posted at Dec 19 2020 09:57 PM | Updated as of Dec 20 2020 12:26 AM

Mariing itinanggi ng PNP ang kumakalat na memo kung saan umano iniuutos nito na isailaim ang buong Metro Manila sa modified enhanced community quarantine (MECQ) epektibo ngayong Sabado.

Base raw ito sa utos ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Brig. Gen. Vicente Danao Jr., at sa reaksiyon ng mga awtoridad sa mga report ng paglabag sa health protocols sa mga matataong lugar tulad ng mga mall. 

Ayon kay PNP Spokesperson Col. Ysmael Yu, fake news ito.

Sa heading pa lang daw ng kumakalat na memo ay kitang hindi ito mula sa opisina ng ng NCRPO.

Hindi rin maglalabas ng kautusan na agad-agad ang implementasyon, habang ang signatory na si P/Lt. Col. Hansel Marantan ay hindi rin umano awtorisadong maglabas at pumirma ng ganoong klaseng memo. 

Aniya, IATF lang ang pwedeng mag-isyu ng anumang kautusan pagdating sa pagdedeklara ng community quarantine saan mang lugar sa Pilipinas. 

Hindi naman makapag-isyu ng statement ang PNP para pabulaanan ang kumakalat na memo dahil hanggat maaari daw ay ayaw ng pag-usapan ng IATF ang mga ganong balita.

Samantala, itinanggi naman ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang kumakalat na balitang isasailalum sa MECQ ang lungsod.

Nagkataong sumabay kumakalat na fake news ang pagtatayo ng checkpoints sa mga daanang papasok at palabas ng Quezon City.

"Ang checkpoints po ng Quezon City Police Department ay bahagi lamang ng pagpapatupad ng IATF protocols lalo na at tumaas ang ating COVID-19 cases ngayong holiday season," ani QCPD Chief Police Brig. Gen. Danilo Macerin.

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.