UV Express inararo ng PNR train sa CamSur; 2 patay, 15 sugatan

ABS-CBN News

Posted at Dec 19 2019 07:08 PM

LIBMANAN, Camarines Sur — Dalawa ang patay habang sugatan naman ang 15 iba pa matapos mabangga ng tren ng Philippine National Railways (PNR) dito ang isang UV Express van nitong Huwebes ng tanghali.

Kabilang sa mga nasawi ang isang 12 anyos na binatilyo.

Nangyari ang insidente bandang 11:30 ng umaga sa PNR crossing sa Barangay Camambugan. 

Sa imbestigasyon ng awtoridad, northbound ang tren nang tiyempong patawid na rin ng crossing ang pampasaherong van.

Sa lakas ng pagkakabangga, tumalsik ang van 11 metro mula sa pinangyarihan.

Ayon sa pulisya, overloaded ang van na may 17 pasahero.

Posibleng umiwas din daw sa bigat ng trapiko ang van kaya dito ito dumaan imbes na sa Barangay Begito.

Minamaneho ito ng mismong operator na si Danilo Diokno, 40.

Agad namang dinala sa Libmanan District Hospital ang mga nasugatan.

Hindi pa malinaw kung ang mga nasawi at nasugatan ay pasahero ng van o tren o mga dumaraan lang. 

Inihahanda na ang isasampang kaso laban sa driver ng UV Express. 


—Ulat ni Mar Pulvinar, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.