Sanggol na inabandona sa sementeryo, nasagip ng mga nakikipaglibing sa Palawan

Lynette Dela Cruz, ABS-CBN News

Posted at Dec 19 2019 07:03 PM

Agad na dinala sa ospital ang sanggol na natagpuang abandonado sa sementeryo sa Puerto Princesa City. Larawan mula kay Nenalyn Villanueva


PUERTO PRINCESA CITY - Hindi akalain ng pamilya Bacomo na sa kasagsagan ng libing ng kanilang kaanak sa New Site Cemetery ay mababaling ang kanilang atensiyon sa isang sanggol na umiiyak.

Nakabalot ang sanggol sa puting tela at inilagay sa columbarium nang matagpuan ng mga nakilibing pasado alas-3 ng hapon nitong Miyerkoles.

"Sa haba ng pila ng mga lumalakad, may matandang nakapansin na may umiiyak na bata. Ngayon, bumalik 'yung matanda na may tungkod, sabi niya, parang iyak 'yun ng bata. Nung matukoy niya, may nakaharang po na isang bulaklak na tuyo na, kinahig niya po 'yung bulaklak. Nung makita niya, sabi niya kawawa naman ang baby na ito,” kuwento ng caretaker ng sementeryo na si Gerry Tabang.

Bagong silang umano ang sanggol, ayon sa nakakita na si Nenalyn Villanueva.

"Basang-basa pa talaga 'yung ulo niya eh. Ang tingin ko bagong panganak lang talaga siya kasi 'yung tuwalya niya may dugo pa, 'yung ulo niya basa pa," sabi ni Villanueva.

Agad itong pinagkaguluhan ng mga nakilibing. Isang mag-asawa naman na walang anak ang agad na kumuha sa bata para magmagandang loob na ampunin na lang ito. Dinala nila sa ospital ang sanggol.

Ayon sa Puerto Princesa City Social Welfare and Development (CSWD) Office, maraming dahilan kung bakit iniiwan o inaabandona ng magulang ang anak.

"Ang pinakadahilan talaga hindi ready 'yung parents na tanggapin. Ibig sabihin, doon pa lang sa kaniyang pagdadalantao, hindi na siya handa na tanggapin 'yung baby. 'Yung iba naman ay bunga ng kahirapan,” paliwanag ni Susan Miguel, Social Welfare Officer II.

Kaya nga raw isa sa kanilang adbokasiya ay hikayatin ang mga nasa ganitong sitwasyon na pumunta na lamang sa social welfare office para ibigay ang bata.

"Pero mas maganda na isu-surrender na lang nila 'yung bata, then bibigyan sila ng time. Mag-u-undergo naman 'yan ng counselling at bibigyan sila ng time para mag-decide, (kung) ano ba 'yung gusto nila (kung), totally isu-surrender 'yung kanilang anak or later on baka magbago 'yung kanilang isip,” dagdag ni Miguel.

Pero paalala ng CSWD, may tamang proseso sa pag-ampon ng bata. Una ay idadaan ito sa radyo, telebisyon, at diyaryo. Pinapanawagan sa mga magulang, kaanak o indibidwal na nakakikilala sa magulang ng sanggol. Kapag walang nag-claim ay saka idedeklarang abandoned ang isang sanggol saka aayusin ang proseso ng pagpapaampon dito.

'Yun nga lang, wala raw katiyakan na ito rin ang makukuhang sanggol ng taong gustong umampon.

"While 'yung bata ilalagay natin sa licensed child caring institution. At para maisaayos 'yung kaniyang (papers) kung saan man siya mapupuntang pamilya. Pero kung mayroong gustong mag-adopt sa kaniya, wala kasi tayong direct placement. Mag-aaplay 'yung gustong mag-ampon pero hindi ibig sabihin na 'yung bata na ito 'yung mapupunta sa kaniya,” sabi ni Miguel.

Kapag nakalabas ng ospital ang sanggol ay pansamantala itong ibibigay sa pangangalaga ng CSWD. Pero pinapanawagan pa rin ang magulang nito na magpakita at akuin pa rin ang responsibilidad sa sanggol.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.