'Pinakamasayang Pasko': Sentensiya sa Maguindanao massacre masterminds ipinagbunyi

ABS-CBN News

Posted at Dec 19 2019 05:54 PM | Updated as of Dec 19 2019 08:34 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Nagbubunyi ngayon ang ilan sa mga naulila ng Maguindanao massacre ngayong hinatulan na ang ilan sa mga mastermind, higit isang dekada matapos ang pagpaslang sa kanilang mga kamag-anak. 

Para kay Jergin Dela Cruz - Malabanan, na namatayan ng ina sa karumaldumal na insidente, hudyat ito ng "pinakamasayang Pasko" para sa kaniyang pamilya ngayong nagkaroon na anila sila ng hustisya. 

"Ito po yung pinakamasayang Pasko namin at saka yung bagong taon. Ito ang pinakamalaking regalo sa amin. Iyon po," ani Malabanan sa labas ng Bureau of Jail Management and Penology matapos maibaba ang hatol laban sa mga akusado. 

Maaalalang maghahain lang sana ng kandidatura sa pagkagobernador si ngayo’y Maguindanao Rep. Esmael Mangudadatu nang harangin at pagbabarilin ang convoy ng kaniyang pamilya, na kinabibilangan ng ilang kaanak at supporter ni Mangudadatu; 58 ang namatay, 32 dito ay mga mamamahayag. 

Matapos ang higit 1 dekada, hinatulang guilty sa mga kasong murder sina Datu Andal "Unsay" Ampatuan, Jr., Datu Zaldy "Puti" Ampatuan, Datu Anwar Ampatuan, Sr., Datu Anwar Ampatuan, Jr., Datu Anwar Sajid Ampatuan, at iba pang mga dawit sa krimen, batay sa higit 700-pahinang desisyon ni Quezon City Regional Trial Court Branch 221 judge Jocelyn Solis-Reyes na inilabas ngayong Huwebes. 

Para kay Mangudadatu, na namatayan ng asawang buntis at iba pang kaanak, hiling niyang hindi na maulit ang nangyari. 

"Sana hindi na maulit yung mga gawain nila na nang-aapak, nang-api ng mga kababayan po namin, yun lang kinatatakutan namin eh, ma-resurrect yung power eh," 

Samantala, nasa higit 50 na akusado ang na-acquit, kabilang sina Datu Sajid Islam Ampatuan, Datu Akmad "Tato" Ampatuan, Sr., at iba pa. Naglabas naman ng arrest warrant ang korte laban sa iba pang suspek na at-large. 

Watch more in iWant or TFC.tv

HALONG PAIT, PANGHIHINAYANG 

Bagama't masaya sa hatol, "nanghihinayang" ang ilang miyembro ng pamilyang Mangungudatu sa naging hatol laban sa mga akusado lalo't may mga naabswelto sa kaso. 

"Masaya na malungkot, kasi nag-e-expect kami na halos lahat ay ah mako-convict at isa dito ay naka-acquit noh, si Sajid Ampatuan. Pero nangangarap din kami na sa susunod, baka may pagpapatuloy pa itong kaso na s'ya ay masama din sa kanyang mga kapatid," ayon kay King Jazzer Mangungudatu. 

Para kay Reynafe Castillo, may halong pait ang hatol lalo't na-dismiss ang kasong pagpatay sa ama niyang si Reynaldo Momay - na ika-58 na biktima ng masaker. 

"Hindi ko po kayang mabuhay ng pera na galing sa dugo ng tatay ko and I can live without that. Kaya ko pong maghanapbuhay kahit na po dalawa-dalawang trabaho ang gagawin ko bilang nurse. Kakayanin ko po yun mabigyan lang ng hustisya ang tatay ko," ani Castillo. 

Hindi pa nakikita hanggang ngayon ang bangkay ni Momay, pero nakita sa mass grave site ang kaniyang pustiso at ID card. 

"Magfa-file kami ng Notice of Appeal dahil hindi naman pupwede na nahanap ang pustiso doon sa lugar kung saan nangyari ang masaker, nakitang sumama sa masaker, bigla na lang nawala at walang desisyon na kasama siya sa mga naging biktima," ayon sa abogado ng mga biktima na si Harry Roque. 

-- May ulat ni Dexter Ganibe at Jorge Cariño, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.