Mga utak sa likod ng Maguindanao massacre hinatulang guilty

ABS-CBN News

Posted at Dec 19 2019 03:10 PM | Updated as of Dec 19 2019 08:24 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA (UPDATE) — Higit isang dekada makalipas ang Maguindanao massacre, hinatulang guilty sa kasong multiple murder nitong Huwebes ang ilang miyembro ng pamilya Ampatuan at iba pa na utak ng karumaldumal na krimen.

Batay sa higit 700-pahinang desisyon ni Quezon City Regional Trial Court Branch 221 judge Jocelyn Solis-Reyes, guilty sa mga kasong murder sina Datu Andal "Unsay" Ampatuan, Jr., Datu Zaldy "Puti" Ampatuan, Datu Anwar Ampatuan, Sr., Datu Anwar Ampatuan, Jr., Datu Anwar Sajid Ampatuan, at iba pang mga dawit sa krimen. 

Pinawalang-sala naman sina Datu Sajid Islam Ampatuan, Datu Akmad "Tato" Ampatuan, Sr., at iba pa.

Parusang reclusion perpetua o aabot sa 40 taong pagkakabilanggo ang parusa sa 28 na nahatulang guilty. Labing lima naman ang ikukulong nang 6 hanggang 10 taon bilang "accessories" sa krimen.

Watch more in iWant or TFC.tv

Gayunpaman, nasa higit 50 na akusado ang na-acquit. 

Pinagbabayad din sila ng danyos sa pamilya ng mga biktima.

Naglabas naman ng arrest warrant ang korte laban sa iba pang suspek na at-large. 

Ang Maguindanao massacre ang itinuturing na pinakamatinding election-related violence sa bansa, kung saan 58 ang namatay, 32 dito ay mga mamamahayag.

Ito rin ang insidente na may pinakamaraming pinatay na mamamahayag sa kasaysayan. 

Nobyembre 23, 2009, maghahain lang sana ng kandidatura sa pagkagobernador si ngayo’y Maguindanao Rep. Esmael Mangudadatu nang harangin ang convoy ng kaniyang pamilya.

Dinala ang mga biktima sa isang lugar kung saan sila niratrat ng mga armadong grupo sa utos ng mga miyembro ng Ampatuan clan, na balak sanang harangin ang pagkandidato ni Mangudadatu. 

 PAGBUBUNYI, PAG-APELA 

Matapos ilabas ang desisyon, nagbunyi ang mga naulila ng masaker kahit pa 10 taon sila naghintay ng hustisya. 

"Nagpapasalamat tayo sa sampung taon na hinintay natin, nakamit natin ang hustisya," ani Mangudadatu.

Ipinagbunyi din ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang desisyon. 

"Today is the day we have waited and I am very happy as secretary of Justice that finally, justice has been served," ayon kay Guevarra. 

Samantala, ngayon pa lang ay nagpahayag na ang kampo ng mga hinatulang guilty na iaapela nila ang desisyon ng QC RTC.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.