Mga nasawi sa ambush ng NPA umano sa Eastern Samar, umakyat na sa 4

ABS-CBN News

Posted at Dec 19 2019 10:30 PM | Updated as of Dec 20 2019 12:35 AM

Nasa 4 na ang nasawi sa pag-atake umano ng mga miyembro ng New People's Army (NPA) sa isang police patrol sa Borongan City sa Samar noong huling linggo.

MAYNILA - Umakyat na sa 4 ang nasawi sa pananambang ng mga miyembro diumano ng New People's Army (NPA) sa isang police patrol sa Borongan City sa Samar noong huling linggo.

Isa pang sibilyan na nadamay sa pag-atake sa naturang police patrol sa Barangay Libuton ang namatay habang ginagamot sa ospital nitong Miyerkoles matapos magtamo ng head injury, ayon kay Police Lt. Col. Bella Rentuaya, tagapagsalita ng Police Regional Office 8.

Tatlong sibilyan at isang pulis na ang namatay sa pag-atake. Labing-apat ang nasugatan din sa pananambang, at walo sa kanila ang ginagamot pa din sa ospital.

Ayon kay Rentuaya, pinaghahanap pa ang mga suspek.

Umapela ang pulisya sa sinumang may impormasyon sa kinaroroonan ng mga suspek na makipag-ugnayan sa kanila. - Ulat ni Arra Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.