Mag-ina, nawawala matapos ang lindol sa Davao del Sur

ABS-CBN News

Posted at Dec 19 2019 12:50 AM

PADADA, DAVAO DEL SUR—Tatlong araw nang nawawala ang mag-inang sina Brenda at Honeybee Dio matapos ang lindol sa Padada, Davao del Sur, Disyembre 15. 

Ayon kay Romeo Rabor, kapatid ni Brenda, ngayon lamang nila napag-alamang hindi pa nakakauwi ang mag-ina matapos magpaalam upang magbenta ng kopra at mamili ng sapatos. 

Tingin ng pamilya, dumiretso sa grocery store ang dalawa at kabilang sa mga nadaganan ng grocery store na gumuho matapos ang lindol. 

Hiling ng pamilya, mahanap ang mag-ina buhay o pumanaw na.

“Dapat hindi nila tigilan ang paghahanap hangga’t ‘di maabot ang unang palapag. Kung patay na, tatanggapin ko naman ‘yan,” ani Rabor.

Ipinangako ng Office of Civil Defense Region XI na magpapatuloy ang clearing operations sa gusali upang matiyak na walang bangkay na nakaligtaan. 

Mula noong Lunes, tatlo na ang mga bangkay na nakuha mula sa gumuhong grocery store.—Ulat ni Chrislen Bulosan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.