Lolo bugbog-sarado umano sa 2 kagawad

Ria Galiste, ABS-CBN News

Posted at Dec 19 2019 06:39 PM | Updated as of Dec 19 2019 06:49 PM

Desididong magsampa ng kaso ang isang 71 anyos na lalaki laban sa dalawang barangay kagawad na umano’y bumugbog sa kaniya sa Laoag City.

Hirap pa ring gumalaw ang biktima dahil sa pananakit ng katawan. Bakas pa rin ang mga pasa sa kaniyang mukha dahil umano sa pambubugbog sa kaniya.

Kuwento ng biktima, nakaupo siya sa kanilang veranda habang inaayos ang laruang pellet gun ng kaniyang apo.

Bigla daw lumapit sa kanilang bahay ang dalawang kagawad.

Sinakal umano siya at sinuntok nang sunod-sunod ng mga kagawad hanggang sa matumba.

Nawalan siya ng malay at nang magising ay nasa ospital na siya.

Hindi niya alam kung ano ang kaniyang naging kasalanan sa mga bumugbog sa kaniya.

Sa imbestigasyon ng mga pulis, nakainom noon ng alak ang biktima na nasa kanilang bahay. Ang mga inirereklamo nito ay lasing din nang dumaan sa harap ng bahay ng biktima.

“Sa investigation natin allegedly nanutok ng baril kaya nagresponde itong dalawang kagawad at dito nga nila nasaktan itong matanda,” sabi ni Police Maj. Adriano Licudan.

Inihahanda na ng pulisya ang mga dokumento para maihain ang pormal na reklamo laban sa dalawang kagawad.

Sinubukan naman ng news team na kunan ng pahayag ang mga inirereklamong kagawad pero may mahalaga umanong pinuntahan ang mga ito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.