Ilegal na pagawaan ng paputok sa Dagupan City, sinalakay

Joanna Tacason, ABS-CBN News

Posted at Dec 19 2019 11:13 PM | Updated as of Dec 20 2019 12:33 AM

DAGUPAN CITY, Pangasinan - Sinalakay ng Dagupan City Police ang isang bahay na ginawang pagawaan ng paputok sa Sitio Boquig, Bacayao Norte sa Dagupan City nitong Huwebes.

Tumambad sa pulisya ang kahon-kahong ilegal na paputok tulad ng plapla, kuwitis, fountain, triangulo, bawang, at Judas Belt na mahigpit na ipinagbabawal.

Inaresto ang 48-anyos na may-ari ng pagawaan na aminadong walang permit at ilegal ang pagawaan. 

“Simula noong bata kami ay ito na talaga ang hanapbuhay namin. Ito lang ang alam na gawain, puro utang pa nga kami. Kung sino lang po iyong mag-oorder sila na po pupunta dito," aniya.

Kabilang sa mga trabahador ng may-ari ang 9-anyos na pamangkin nito na natutong gumawa ng paputok gamit ang pulbura, mitsa at pabilo.

Dalawang tao ang namatay sa nangyaring sunog sa isang pagawaan ng paputok sa nasabing barangay noong Lunes.

Paliwanag ni PCol. Redrico Maranan, provincial director ng Pangasinan Police, mahigpit na ipinagbabawal ang pagbebenta, paggawa at pagbili ng mga ilegal na paputok alinsunod na rin sa Republic Act 7183. 

“Ang nakakalungkot dito mga trabahador niya mga menor de edad, kaya itu-turnover natin sila sa DSWD. Imagine kung nagkaroon ito ng problema, aksidenteng nasunog, buong komunidad iyon. Sa kabila ng ating mga panawagan eh may mga nagbebenta pa rin,” aniya.

Ipatutupad naman sa Pangasinan ang polisiya hinggil sa firecracker zone at community fireworks display para maiwasan na may mabiktima ng paputok.

Kakasuhan ng paglabag sa RA 7183 ang suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.