Guwardiya, patay matapos sumalpok ang motorsiklo sa trak

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Dec 19 2019 12:24 AM

ARITAO, Nueva Vizcaya - Patay ang isang security guard matapos sumalpok ang kaniyang motorsiklo sa isang trak nitong Martes ng umaga sa national highway ng Barangay Bone South, Aritao, Nueva Vizcaya.

Kinilala ang biktima na si Cerrello Capuyan na residente ng Barangay Canabuan sa nabanggit na bayan.

Sa imbestigasyon, tinangkang mag-overtake ng motorsiklo sa sinusundan nitong sasakyan. Pero sa kasamaang palad ay sumalpok ito sa kasalubong na truck.

Naidala sa ospital si Capuyan, pero idineklarang dead-on-arrival ng attending physician.

Ayon pa sa pulis, nagtamo ng malalang pinsala sa katawan ang biktima kahit pa ito ay naka-helmet nang maaksidente.

Nasa kustodiya na ang driver ng truck na posibleng maharap sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide and damage to property.

Ibayong pag-iingat naman ang payo ng otoridad para iwas disgrasya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.