DOH kinondena ang 'guarantee letter for sale' modus

ABS-CBN News

Posted at Dec 19 2019 06:03 PM | Updated as of Dec 19 2019 08:16 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Kinumpirma ng Department of Health (DOH) nitong Huwebes na mayroon nang modus ng pagbebenta ng mga guarantee letter sa kanilang ahensiya. 

Ito ang inamin ng DOH matapos maaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang fixer na nagbebenta ng mga liham sa mga pasyenteng gustong makakuha ng tulong pinansiyal.

Ang guarantee letter ay nanggagaling sa mga opisina ng mga halal na opisyal sa DOH na ibinibigay sa mahihirap para matulungan sila sa government hospitals. 

Napapailalim ito sa Medical Assistance to Indigent Patient (MAIP) program fund ng DOH.
 
Libre ito, pero kailangan pumila at magbigay ng requirements bago maaprubahan.

Sabi ng DOH, noong 2018 pa lang ay alam na nila ang modus. Pero hindi raw nila mahuli ang mga empleyadong sangkot dito. 

Sa ngayon, 5 ang kanilang pinagpapaliwanag.

"Pinatawag namin sila pero dine-deny nila. Wala rin makuhang ebidensya," ani DOH undersecretary Roger Tong-an.

Dagdag ng DOH, posible rin daw na galing sa Kongreso ang mga binebentang guarantee letters dahil dumadaan din sa kanila ang mga pasyenteng humihingi ng tulong.

"Kapag may pasyente sila, nire-release din namin ang original na guarantee letter sa kanila [sa Kongreso]," ani Tong-an.

Nakikipag-ugnayan na raw ang DOH sa Kongreso para gawing isang opisina na lang ang naglalabas ng guarantee letters. 

Naghigpit na raw sila sa proseso para siguraduhing nangangailangan talaga ng tulong ang pasyenteng humihingi ng guarantee letter.

"We appeal to the public, especially clients seeking for medical assistance with DOH, that they should not be swayed by sweet-talking fixers out to exact money from them in exchange for guarantee letters. The Medical Assistance to Indigent Patients is free and not for sale," paalala ni Health Secretary Francisco Duque III.

Iimbestigahan din ng NBI ang mga pangalang nakita sa mga nabawing guarantee letter para malaman kung talagang mga pasyente sila at kung bumili rin sila ng guarantee letter. 


—Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.