Amain ng 2 batang namatay sa sunog, kinasuhan na

Marty Go, ABS-CBN News

Posted at Dec 19 2019 06:29 PM

Sinampahan na ng kasong arson ang isang 30-anyos na lalaki kaugnay sa pagkakasunog ng kanilang bahay na ikinamatay ng dalawang batang anak ng kaniyang kinakasama sa Binalbagan sa Negros Occidental.

Lumalabas sa imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection na kinandado ni Sammy Bartolo ang pinto ng kanilang bahay sa Sitio Nagabaan, Barangay Biao noong nakaraang Biyernes ng hapon bago umalis para magsaka.

Nagluto pa umano si Bartolo bago magsaka.

Nasa loob ng bahay ang dalawang batang lalaki na nasa edad na isa at limang taong gulang.

Hindi na sila nakalabas pa ng bahay nang maganap ang sunog.

Wala ang ina ng mga bata nang mangyari ang insidente dahil sa Maynila ito nagtatrabaho.

Posible umanong naiwan ni Bartolo ang kaniyang niluluto na naging sanhi ng pagkasunog ng bahay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.