ALAMIN: Epekto ng makasaysayang paglilitis, hatol sa Maguindanao massacre

RG Cruz, ABS-CBN News

Posted at Dec 19 2019 07:47 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Inabot man nang mahigit 10 taon ang paglilitis at pagsentensiya sa mga pasimuno ng karumaldumal na Maguindanao massacre, marami pa ring aral para sa bansa ang mapupulot dito ayon sa mga eksperto.

Huwebes nang hatulang guilty sa kasong multiple murder ang ilang miyembro ng pamilya Ampatuan at iba pa na utak ng kagimbal-gimbal na masaker ng 58 tao.

Tingin ni Lyceum of the Philippines University law dean Soledad Mawis, maliwanag na ebidensiya ang pinagbasehan ng hatol sa Maguindanao massacre case dahil hindi pare-pareho ang hatol sa lahat ng akusado.

Kaya rin daw hindi talaga maiiwasang 10 taong litisin ang kaso sa dami ng akusado, ebidensiya, at mismong sistema na rin ng hustisya.

"Itong kasong ito bibigyan rin ng hustisya 'yung mga tao na naakusahan nang walang sufficient na evidence. That is justice too," ani Mawis.

Ayon sa isa pang law professor, malabo naman talagang ma-convict lahat ng akusado.
    
Kailangan ring makita ng hukom kung talaga bang nagsabwatan ang lahat ng akusado para gawin ang krimen.

"If conspiracy is proven, found by judge, it becomes irrelevant now, whether part accused has not taken part in act itself," ayon sa abogadong si Theodore Te. 
    
MALAYANG PAMAMAHAYAG

Pero hindi pa raw mabubura ng hatol ng korte ang katotohanang malaya man ang pamamahayag sa bansa, nananatili pa ring mapanganib na maging journalist sa Pilipinas.

"We should not lose track of the fact that journalists do work in perilous areas not only in war zones but just where there is political conflict," ani Center for Media Freedom and Responsibility (CMFR) executive director Melinda Quintos de Jesus.

"Dito siguro sa Maynila you can freely practice your profession as a journalist pero the moment nagpunta ka sa poverty stricken areas andiyan na ang danger," anang political analyst na si Edmund Tayao.

KONTRA DYNASTY

Kaya matapos ang hatol, muling inihirit ng ilang mambabatas ang pagkakaroon ng batas kontra political dynasties para hindi na maulit pa ang Maguindanao massacre, na resulta umano ng "political warlordism."

Dapat rin daw itong maging leksiyon sa mga botante na wag nang maghalal ng mga magkakamag-anak sa iba't ibang posisyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.