3 umano'y lider ng NPA patay sa engkuwentro sa Novaliches

Raya Capulong, ABS-CBN News

Posted at Dec 19 2019 05:38 PM

MAYNILA — Patay ang 3 hinihinalang lider ng New People's Army (NPA) matapos makaengkuwentro ng mga pulis at militar sa isang safe house sa Novaliches, Quezon City.

Naganap ang engkuwentro sa Princess Anne Street, Queensland Subdivision bandang alas-3 ng madaling araw Huwebes.

Batay sa imbestigasyon, kinilala ang mga nasawing sina Eleuterio Sadyaw Agmaliw alyas "Omeng," Freddie Daileg alyas "Poldo," at Lucio Carbonel.

Mga miyembro umano ang 3 ng iba't ibang grupo na pawang "front" daw ng NPA.

Sabi ng pulisya, magsisilbi sila ng warrant of arrest sa 3 nang mauwi ang operasyon sa barilan.

Naisugod pa sa ospital ang 3 pero binawian din ng buhay.

Sugatan naman ang 2 pulis na kinilalang sina Cpl. Jophy Tagyamon Bu-ot at Cpl. Franz Karl Deciar Jumawan.

Narekober mula sa mga suspek ang iba't ibang baril, 2 hand grenade, 4 cellphone, at 1 laptop.

Inaresto din ang 3 indibidwal na naabutan sa loob ng bahay ng mga suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.