Bagong laya, tinambangan sa Caloocan

ABS-CBN News

Posted at Dec 19 2018 03:39 AM | Updated as of Dec 19 2018 09:03 AM

MAYNILA - Patay ang isang bagong laya matapos tambangan sa Bagong Silang, Caloocan City Martes ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Datucan Samad-Montoc, 42 anyos, na kalalaya lamang matapos mapawalang sala sa kasong murder.

Base sa imbestigasyon, nakaangkas sa motorsiklo ang biktima matapos sunduin ng kaniyang pinsan sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.

"Dito siya magpapalipas ng gabi sa Caloocan tapos kapag nakakuha ng ticket, bukas lipad na sa Mindanao," ani alyas Nilo, pinsan ng biktima.

Nagulat na lang sila nang tambangan ng mga lalaking sakay ng 2 motorsiklo pasado alas-10 ng gabi.

"Tatlo 'yung putok. Sunod-sunod. Akala ko may sumabog," dagdag ni Nilo.

Tama sa ulo ang ikinamatay ng biktima. Palaisipan pa sa mga awtoridad ang motibo sa pamamaslang. - ulat ni Ernie Manio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.