PatrolPH

2 'gun runner', patay sa QC buy-bust

ABS-CBN News

Posted at Dec 19 2018 03:43 AM | Updated as of Dec 19 2018 03:45 AM

MAYNILA - Patay ang 2 hinihinalang gun runner sa buy-bust operation sa Novaliches, Quezon City Martes ng gabi.

Narekober sa mga suspek ang 2 kalibre .45 na baril at isang kalibre .38 na baril.

Ayon sa pulisya, nagpaputok umano ang mga suspek nang makahalata na pulis ang kanilang katransaksiyon.

Nagkaroon ng habulan kung saan nasukol ang mga suspek na sakay ng motorsiklo sa Barangay Nagkaisang Nayon. Nagresulta ito sa engkuwentro kung saan sila napatay.

Dagdag ng pulisya, nakaw umano ang motorsiklong gamit ng mga suspek.

Ayon sa biktima na si alyas Michael, inagaw ang kaniyang motorsiklo pasado alas-5 Martes ng hapon.

"Sinuntok ako tapos tinutukan. Kinuha 'yung motor ko," aniya.

Itinuturong supplier ng armas sa iba pang criminal groups ang mga suspek. - ulat ni Ernie Manio, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.