VIRAL: Sapakan ng dalawang motorista sa QC huli sa bidyo

ABS-CBN News

Posted at Dec 19 2017 01:00 PM

MAYNILA - Isa na namang kaso ng "road rage" ang nakunan ng video sa Quezon City. 

Sa video na kuha ni Maricar Acosta, makikita ang drayber ng isang pribadong sasakyan na akmang susuntok sa isang FX drayber.

Mistulang nagkagitgitan ang dalawa kaya nagkainitan. Pagbaba ng tsuper ng FX, hindi na naawat ng mga enforcer ang away nila. 

 

Kuha ang video Lunes sa Commonwealth Ave., harap ng NCBA, alas-3:00 ng hapon, ayon kay Acosta na papasok sa trabaho noon. 

"Halo-halo na 'yung nararamdaman namin. May pagkainis kasi male-late na dahil sa sobrang traffic," sabi niya sa ABS-CBN News.

"Lagi naman kasi traffic diyan due to the on-going MRT construction," dagdag pa ni Acosta.

Dagdag pa niya, madalas ang gitgitan sa naturang kalye, lalo na sa mga motoristang nagmamadali palabas ng Fairview.

Noong Linggo naman, isa ring kaso ng road rage ang nabidyuhan sa Congressional Avenue sa Quezon City rin. 

Makikita sa viral video ang pagsampal ng isang babae sa isang 52 anyos na taxi driver sa gitna ng kalsada. 

Pag-cut ng taxi driver ang idinahilan ng babaeng drayber, bagay na itinaggi naman ng matandang tsuper. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.