Tribal leader sa Davao del Norte patay sa pamamaril ng hinihinalang NPA

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Dec 19 2017 05:28 PM | Updated as of Dec 19 2017 05:43 PM

Patay ang tribal lider ng Ata Manobo na si Datu Benandaw Maugan matapos pagbabarilin ng mga miyembro umano ng New People's Army sa Purok Luno-luno, Barangay Gupitan, Kapalong, Davao Del Norte Linggo ng hapon.

Ayon sa pamangkin ng biktima na si Jason, galing sa bukid ang kaniyang tiyuhin at nang makauwi ito sa kanilang bahay ay ipinatawag siya ng mga umano'y miyembro ng NPA.

"Dili unta siya sugtan sa asawa peru niadto siya kay wala man daw siya sala" ani Jason.

('Di sana siya papuntahin ng kaniyang asawa pero pumunta pa rin siya dahil sabi niya wala siyang kasalanan.)

Sa imbestigasyon ng Kapalong Police, 60 armadong NPA ang nasa kanilang lugar, kung saan lima sa kanila ang bumaril umano sa biktima. 

Nakilala naman ng pamilya Maugan ang dalawa sa bumaril kay Datu.

"Sumala sa pamilya kini sa Datu Benandaw Maugan is allegedly naga-support sa mga sundalo mao ng apil daw siya sa listahan nga kuhaonon sa NPA," ani SPO3 Frederick Hapitan.

(Ayon sa pamilya, ito si Datu Benandaw Maugan is allegedly nagsusuporta sa mga sundalo, kaya kasali umano siya sa listahan na kukunin ng mga NPA.)

Nanghihinayang naman ang barangay sa pagkamatay ni Datu Maugan dahil sa marami nitong kontribusyon para sa ikauunlad ng kanilang barangay lalo na sa larangan ng edukasyon.

Nangako naman ang lokal na pamahalaan ng Kapalong na tutulong sa gastos ng pamilya.

Sasampahan ng kasong murder ang dalawang miyembro ng NPA na nakilala ng pamilya na pumatay kay Datu Maugan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.