Tatlong nanalisi sa lolang tindera, pinalaya sa kawalan ng demanda

Rona Nuñez, ABS-CBN News

Posted at Dec 19 2017 07:23 PM | Updated as of Dec 19 2017 10:18 PM

NABUA, Camarines Sur - Arestado ang 3 suspek matapos salisihan umano ang isang 62-anyos na tindera sa isang palengke dito sa bayan, Lunes.

Subalit nakalaya din agad ang tatlo matapos hindi na magsampa ng reklamo ang kanilang nabiktima dahil nagamit na bilang puhunan ang ebidensiyang pera.

Ayon sa ulat, lumapit umano ang mga suspek na sina Milagros Sangco, Jefferson Santos, at isang 15-anyos na lalaki sa may-ari ng tindahan na si Marilyn Naparato at nagpakilalang mga taga-Maynila.

Habang inaasikaso ni Naparato ang 2 sa mga suspek, nabigla na lamang siya nang may tumangay na sa kaniyang bag na naglalaman ng P46,000 na kita mula sa pagtitinda.

Nagsisigaw ang matandang tindera kaya nahabol agad ng mga nasa palengke ang 3 kawatan.

Ayon sa mga awtoridad, ang mga suspek ay maaaring kabilang sa isang grupo na nambibiktima sa iba't ibang lugar.

Desidido sana si Naparato na magsampa ng kaso ngunit nagastos na niya ang perang gagamitin sana bilang ebidensiya sa pagfa-file ng kasong swindling laban sa mga suspek.

Ayon kay Naparato, ipinambili na niya ang pera ng mga paninda.

Matapos ang 12 oras, pinalaya na rin ang mga suspek dahil sa kawalan ng reklamo laban sa kanila.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.