'Simbang Away'? Grupo ng mga bata, nagrambol sa Simbang Gabi

ABS-CBN News

Posted at Dec 19 2017 09:00 AM

MANILA - Nakuhanan ng CCTV camera ang rambol ng isang grupo ng mga kabataan pagkatapos ng simbang gabi sa San Roque Cathedral sa Caloocan nitong weekend.

Sa CCTV footage nitong Sabado, makikitang nagtatakbuhan at mistulang naglalaro lang ang mga kabataan, pero galing na pa sila sa rambol at may mga dala pang patalim. Sa dami nila ay hindi na sila kinayang kontrolin ng mga tanod.

Sa hiwalay na CCTV footage nitong Linggo, makikita na namang nagtatakbuhan ang mga bata, pero handa na ang mga tanod para sawayin sila.

Makikita pa ang isang tanod na may hawak na samurai sword, isa sa 5 armas na nakumpiska sa mga menor de edad.
 
"Parang hindi simbang gabi nangyayari kundi simbang away na," sabi ng kagawad na si Ady Reyes.

"'Yung nangyari nung [December] 16 ng madaling araw, nag-aasaran ho 'yun. Ang pinagmulan, mga tuksuhan. Gumanti yung mga kabatan sa mga medyo nakatatanda sa kanila, ang nangyari nagbatuhan ho -- batuhan ng bote, minsan pill box pa," dagdag niya.

Karamihan aniya sa mga kasama sa rambol ay mga menor de edad na galing sa ibang barangay at ilan sa kanila ay 10 o 11-taong-gulang lamang.

"Ang panawagan ko lang sa mga magulang masubaybayan nila mga anak nila... Dapat pag nagsisimba sila, talagang taimtim na nakikiisa sila sa pagdiriwang sa tradition na nakagisnan natin," ani Reyes.

Simula Martes, sasabayan na aniya ng mga pulis ang mga nagsisimba palabas ng cathedral para maiwasan ang gulo. Ulat ni Kristine Sabillo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.