Sara Duterte magbibigay tulong sa mga biktima ng 'Urduja'

Madonna Timbal-Senajon, ABS-CBN News

Posted at Dec 19 2017 08:18 PM

Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio. Madonna Timbal-Senajon, ABS-CBN News

DAVAO CITY - Nakatakdang magbigay ng tulong pinansiyal si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa mga biktima ng bagyong "Urduja" sa iba't-ibang nasalantang lugar sa Visayas.

Ayon kay Duterte, kukunin ang pera sa natirang P96 milyon na disaster fund ng pamahalaang lungsod ng Davao ngayong taon.

“I think naa tay enough budget sa atong disaster fund for December 19 up to December 31. The remaining 96 million will go to our trust fund so might as well, let’s share to other regions na apektado sa baha,” ayon kay Duterte.

(I think we have enough budget in our disaster fund for December 19 up to December 31. The remaining P96 million will go to our trust fund so might as well, let’s share to other regions that are affected by floods.)

Inaayos na ng Davao City Council ang halaga ng pondong ibibigay depende sa laki ng pinsala ng bagyo sa bawat lugar.

Pinag-iisipan naman ng alkalde ang posibilidad na siya mismo ang magbigay ng tulong sa mga lugar na nasalanta ng bagyo.

“Naa koy plano muadto sa Biliran pero para katong sa 25 ka tao na namatay sa landslide. But let’s see sa akong schedule,” aniya.

(I have plans to go to Biliran but that is to pay respects to the 25 people who were killed in a landslide. Let's see with my schedule.)

Inaasahang ngayong linggo maibibigay ang tulong sa mga biktima ng bagyo kung saan di bababa sa 41 ang patay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.