P30-M halaga ng hinihinalang shabu nasamsam sa Angeles City

Mike Navallo, ABS-CBN News

Posted at Dec 19 2017 08:23 PM

Nasa 5 kilo ng hinihinalang shabu ang nasamsam ng Philippine Drug Enforcement Agency sa isang bahay sa Angeles City, Disyembre 19, 2017. Mike Navallo, ABS-CBN News

MANILA - Nasamsam ang P30 milyong halaga ng hinihinalang "shabu" sa isang bahay sa lungsod ng Angeles Martes ng umaga.

Limang kilo ng hinihinalang high-grade shabu ang kinumpiska ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) habang nagsasagawa ito ng isang ocular inspection sa bahay ng Chinese drug suspect na si Yiye Chen, na nauna nang nahuli sa kasong droga.

Ayon kay Director Levi Ortiz ng PDEA Special Enforcement Service, nakuha ang 5 pakete ng hinihinalang droga sa kisame ng bahay sa Hensonville, Barangay Malabanias.

May nahulog umanong maliliit na puting butil mula sa sira-sirang kisame ng bahay at nang ipaamoy sa aso, naghinala na silang maaaring shabu iyon.

"Matagal nang unoccupied ang bahay, dilapidated na siya, walang ilaw. Tinap [ang] ceiling... It so happened na may nahulog na granules," ani Ortiz.

Binakbak ng mga tauhan ng PDEA ang kisame ng bahay at doon natagpuan ang limang pakete ng hinihinalang shabu. Ang ilan sa mga pakete, may kagat na umano ng daga.

Pinag-aaralan pa ng PDEA kung maaaring idagdag sa kaso ni Chen ang mga nadiskubreng droga.

Kasalukuyang nahaharap sa kasong illegal possession of dangerous drugs, illegal possession of drug paraphernalia, at illegal use of dangerous drugs sa Angeles si Chen.

Nahuli si Chen noong Agosto 5, 2016 at nakuhanan ng 36 na kilo ng shabu. 

Ayon sa PDEA, distributor si Chen ng isang sindikato na nagbebenta ng droga mula Taiwan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.