Lupang karugtong ng tulay sa Puerto Princesa, bumigay dahil sa bagyo

Lynette dela Cruz, ABS-CBN News

Posted at Dec 19 2017 09:01 PM

PUERTO PRINCESA CITY - Umapaw ang tubig sa kalsadang karugtong ng Abon Bridge sa Sitio Busngol, Barangay Santa Lourdes dito sa siyudad sa kasagsagan ng pagdaan ng bagyong "Urduja."

Bumara ang lupa at kahoy sa ilalim ng tulay. Sa lakas ng agos ng tubig sa ilog ay umapaw ito at sinira ang lupang karugtong ng tulay.

Araw-araw dinaraanan ng mga tao ang tulay kaya ngayon ay pahirapan ang kanilang pagtawid. Mano-mano namang itinatawid ang mga produkto.

Tulong-tulong ang mga residente sa pag-alis sa mga nakabara sa ilalim ng tulay. Pansamantala ring naglagay ng mga kawayan na siyang ginagamit ng mga residente sa pagtawid.

Nananawagan ang mga apektadong residente ng tulong mula sa lokal na pamahalaan, lalo na sa pagpapaayos sa nasirang kalsada.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.