Libing sa sawi ng 'Urduja', sinimulan; tuloy ang paghahanap sa natabunan

ABS-CBN News

Posted at Dec 19 2017 10:07 PM | Updated as of Dec 20 2017 11:15 AM

Watch more in iWant or iWantTFC

Hinatid na sa huling hantungan nitong Martes ang ilan sa mga namatay dahil sa pagguho ng lupa sa Barangay Lucsoon sa Naval, Biliran bunsod ng pananalasa ng bagyong "Urduja".

Napuno ang isang maliit na kapilya ng mga naulilang kaanak, mga kaibigan at kapitbahay sa idinaos na misa para sa mga pumanaw sa trahedya.

Kasunod nito'y inilibing na sa sementeryo ng Lucsoon ang mga bangkay.

Sa kabila nito, hindi pa rin nahahango mula sa putik ang 11 residenteng nabaon nang buhay sa Barangay Lucsoon.

Bagaman nabawasan ang mga putik sa kalsada, balakid pa rin ang mga nakatenggang malalaking bato, kabilang ang mga batong halos sinlaki ng sasakyan.

Ayon kay Sofronio "Jun" Dacillo, pinuno ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa Biliran, mas lumiliit ang tsansang buhay pa ang mga natabunan habang tumatagal ang panahong nakabaon sila sa lupa.

"Though the chance is slim, we are hoping na may makukuha pa," ani Dacillo.

Sa gilid ng kalsada muna inilagay ang mga nangangamoy na bangkay para mailibing.

Isa sa kaanak ng mga namatay si Rebecca.

Namatay sa pagguho ng lupa ang kaniyang kapatid at ang buo nitong pamilya na papunta pa raw sana sa lugar nila para makipagdiwang ng pista.

Isa rin sa mga natabunan si Police Officer 1 Heidi Poyales ng Biliran Police.

Si Heidi ang kapatid ni Aldren Poyales na namatayan ng buong pamilya.

Ayon sa lokal na pamahalaan ng Biliran, umakyat na sa 33 ang bilang ng patay habang higit sa 20 pa ang patuloy na hinahanap.

Watch more in iWant or iWantTFC

Naging kampante?

Bukod sa Lucsoon, isa rin sa mga pinakanapuruhan ng Urduja ang sitio ng Barubuhan sa bayan ng Almeria, Biliran.

Isa sa mga residente ng Almeria ang 27 anyos na si Roel Garbo.

Sabado ng madaling araw nang magising si Garbo dahil sa malakas na ingay galing sa pagbagsak ng putik mula sa kalapit na bundok.

Natabunan nito ang bahay ng kaniyang mga magulang.

Naipit aniya ang kaniyang mga magulang at 13 anyos na kapatid sa bahay kaya sinubukan niyang iligtas ang mga ito ngunit nabigo siya.

Aminado ang mga residente na naging kampante sila bago dumating ang bagyo.

Martes, Disyembre 12, pa lang ay binabayo na sila ng walang tigil na ulan pero hindi pa sila lumikas.

"Hindi naman akalain na maging ganoon ang nangyari dahil marami namang bagyo...hindi naman ganito ang nangyari," pahayag ng residenteng si Mercedes Baquiran.

Iginiit naman ng Biliran PDRRMO na hindi sila nagkulang sa pagpapaalala sa mga mamamayan.

Tiniyak din ng ahensiyang walang ilegal na pagtotroso sa lugar.

"Talagang sa tingin namin, talagang ulan lang iyon. Napakalakas ng ulan. Ang volume ng tubig ang bumagsak sa lupa dala ni Urduja," ani Dacillo. 

Watch more in iWant or iWantTFC

Libo-libong relief packs, dumating na

Nitong Martes, dumating na rin sa Biliran mula Cebu ang barkong naghatid ng relief packs ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga biktima ng Urduja.

May karga itong halos 3,000 relief packs na ipamamahagi sa buong lalawigan.

Ayon naman sa Provincial Social Welfare and Development Office ng Biliran, uunahin na hatiran ng relief packs ang mga bayan na paubos na ang suplay ng pagkain.

Hirap lang ipadala ang tulong sa ibang barangay dahil sa mga baradong daanan at nagibang mga tulay.

Wala pa ring kuryente sa ibang lugar sa lalawigan pero gumagamit ng generator ang ilang tindahan at hotel.

Tiniyak ni Biliran Governor Gerardo Espina Jr. na binabantayan nila ang presyo ng mga bilihan at ipinag-utos na hulihin ang sinumang mapag-aalamang nanamantala sa kabila ng idineklarang state of calamity sa lalawigan.

-- Ulat nina Raphael Bosano, Melanie Bingco, at Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.