Kotse pumailalim sa trak sa QC

ABS-CBN News

Posted at Dec 19 2017 09:06 AM | Updated as of Dec 19 2017 09:27 AM

MAYNILA - Pumailalim sa 22-wheeler truck ang unahan ng isang kotse sa Commonwealth Avenue, Quezon City, ngayong Martes.

Wasak ang bumper ng sasakyan na dala ng isang Gary Arcipe. Aniya biglang sumulpot ang trailer truck sa u-turn slot.

"Walang signal, wala ring pagbusina. Bigla lang nag-u-turn.Buti po maayos ang maintenance ng sasakyan ko kundi napahamak din ako kung hindi nag preno agad," sabi ni Arcipe.

Depensa naman ni Jose Abenasa, drayber ng trak, nakaumang na umano siya sa u-turn slot pero dumiretso pa rin ang kotse.

"Pag ganyan po kasi bigayan 'yan e. Sa porma po makikita niyo kung ano'ng nangyari. 'Yung posisyon at lugar ng sasakyan, itinuloy pa rin niya. Hindi po ako nakainom," ani Abenasa.

Samantala, isang rider naman ang sugatan sa E. Rodriquez sa parehong siyudad nang sumalpok sa dalawang sasakyan.

Malakas ang buhos ng ulan nang maaksidente ang rider na si Brian Lacuesta, na ayon sa ilang saksi ay mabilis ang patakbo.

"Mabilis po ang takbo nung motorsiklo, tapos kumain siya ng sobrang lane tapos sumalpok po sa sasakyan," ani Edgardo Pascual, saksi.

Tumilapon pa mula sa motorsiklo si Lacuesta at nagtamo ng sugat sa ulo. Agad namang nakasaklolo ang isang ambulansiya.

--ulat mula kina Jekki Pascual at Isay Reyes, ABS-CBN news

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.