3 pulis patay, 3 iba pa sugatan sa salpukan ng patrol car at truck

Justin Aguilar, ABS-CBN News

Posted at Dec 19 2017 03:18 AM

Patay ang tatlong miyembro ng Apayao Police Mobile Force matapos sumalpok ang sinasakyang patrol car sa isang 10-wheeler truck sa bayan ng Iguig, Cagayan Biyernes ng gabi.

Kinilala ang mga nasawi na sina PO1 Ben Jay Keith Pursen mula Mt. Province; PO1 Jesmonde Basiag mula Kalinga; at PO1 Darel James Galario mula Ilocos Norte.

Sugatan din pero nakalabas na mula sa ospital sina PO1 John Ray Balong at PO1 Charlo S. Kita-ong, habang kasalukuyan pang nagpapagaling at kritikal ang kondisyon ni PO1 Winnie B. Balanguio.

Arestado naman ang truck driver na si Antonio Tatel kung saan mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide and multiple physical injuries.

Ayon kay Chief Insp. Carolina Lacuata, tagapagsalita ng Police Regional Office - Cordillera (PROCOR), pabalik na sana ng Apayao mula Cagayan ang grupo nang mangyari ang insidente pasado alas-9 ng gabi.

“We will still wait for the thorough investigation but initially, accident. Accordingly, nag-overtake sila and then nakasalubong nila yung 10-wheeler truck at nagkasalpukan, it's a head-on collision,” aniya.

Labis itong ikinalulungkot ni PROCOR director Chief Supt. Elmo Francis Sarona lalo pa raw at malapit na ang Pasko.

“Mahirap i-explain. I myself cannot understand why it should happen. Nakikiramay po kami sa mga pamilya ng ating mga nasawing kapulisan sa Cagayan,” aniya.

Titiyakin daw nila na makakatanggap ng karampatang benepisyo ang naiwang pamilya ng mga nasawing pulis.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.