PatrolPH

Mga umano’y miyembro ng Dawlah Islamiyah, itinuturo sa pagpapasabog sa Lanao del Sur

ABS-CBN News

Posted at Dec 18 2020 12:48 AM

Nakilala na umano ng mga awtoridad ang 5 sa 50 suspek sa pagpapasabog sa Barangay Tongan-tongan sa bayan ng Madalum, Lanao del Sur nitong Disyembre 10, kung saan dalawang sibilyan ang namatay. 

Ayon kay Police Maj. Jolly Sabtal, hepe ng Madalum Police Office, 6 na magkakaibigan ang pumunta sa boundary ng Lanao del Sur at Lanao del Norte upang manghuli ng baboy ramo. Nakasalubong ng mga ito ang armadong grupo na nakasuot ng itim. 

Dinala ang 6 sa Tongan-tongan at itinali ang tatlo sa kanila at pinaluhod sa harap ng improvised explosive device (IED). Isa rin ang itinali sa puno. 

Patay ang dalawa sa pagsabog, habang dalawa ang nakaligtas sa na hindi pinangalanan para sa kanilang kaligtasan. 

Ayon sa police official, tinangay ng mga suspek ang dalawa pa nilang kasama. 

"Sa interview natin sa nakaligtas, na-identify nila ang mukha ng mga suspects. May gallery kasi kaming ipinakita ng mga suspected na DI Ranao (Dawlah Islamiyah) armed group. 'Yung isa na-recognize niya ang mukha kasi isa 'yun sa nagtali sa kanya," ani Sabtal.

Apat pa ang itinurong nakaligtas mula sa mga larawang ipinakita ng pulisya.

Ayon sa mga awtoridad, nahirapan silang tugisin ang grupo dahil nagtatago ito sa boundary ng limang magkakalapit na bayan ng Lanao Norte at Sur.

Pawang taga-Lanao Norte ang mga biktima. 

Nailibing na nitong Miyerkoles ang dalawang nasawi.--Ulat ni Roxanne Arevalo

RELATED VIDEO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.