PatrolPH

Mga street dweller nasagip sa Quezon City

ABS-CBN News

Posted at Dec 18 2020 06:43 AM

MAYNILA - Sinagip ng mga tauhan ng Quezon City Task Force Disiplina ang mga palaboy sa ilang barangay sa lungsod nitong Huwebes.

Kabilang sa mga sinuyod ng mga awtoridad ang mga bangketa sa Barangay Pinyahan at Scout area.

Isinakay sa mga truck at van ang mga street dweller. Kinuha rin ang kanilang mga tulugan at ilang gamit.

Nag-iyakan ang mga bata, pero ayon sa mga awtoridad, hindi sila inaaresto at tutulungan sila.

Ani Rannie Ludovica, head ng Quezon City Task Force Disiplina, pauuwiin nila ang mga may bahay sa probinsya.

Ang mga palaboy na walang matutulugan ay patutuluyin sa shelter.

Ite-train at tutulungan umano ang mga magulang para makapagtrabaho o makapagsimula ng negosyo.

Nangangamba ang pamahalaang panlungsod na magkahawahan sila ng COVID-19 lalo't ilan sa kanila ay walang mask o face shield.

Dadalhin sa Brgy. NS Amoranto ang mga sinagip nilang palaboy.--Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.