PatrolPH

Hawahan sa party? QC compound naka-'special lockdown' dahil sa pagdami ng COVID-19 cases

ABS-CBN News

Posted at Dec 18 2020 07:54 PM

Hawahan sa party? QC compound naka-'special lockdown' dahil sa pagdami ng COVID-19 cases 1


MAYNILA - Nagpatupad ng special lockdown sa isang compound sa Barangay Tandang Sora ang lokal na pamahalaan ng Quezon City matapos lumobo ang bilang ng mga nagkasakit ng coronavirus disease (COVID-19) sa lugar. 

Ayon sa Quezon City Health Department, dumalo sa isang birthday party sa lugar ang isang government employee na nagkaroon ng sintomas ng COVID-19. 

Dito, mahigit 80 katao ang naging close contact niya pero 44 pa lang ang napapasailalim sa COVID-19 test. Sa 44 na sumailalim sa COVID-19 test, 9 ang nagpositibo. 

"Nakuha niya ang infection sa pinagtatrabahuan," ani QC Epidemiology and Surveillance Unit chief Rolly Cruz. 

Mula sa 0 kaso, lumobo sa 12 ang kaso ng COVID-19 sa lugar. 

"Nagkaroon ng parang party. Siyempre hindi maiwasan, na family nila eh nagpunta and doon nalaman after noon nagkaroon ng sintomas,” ayon sa barangay chairman na si Mario Ulanday. 

Watch more on iWantTFC

Bumaba sa 300 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod pero ngayon, lumobo na ito sa 1,097. Ilan umano sa mga nagpositibo ay mula sa mga dumalo sa mga party o reunion. 

Samantala, naglabas ng ordinansa ang QC local government na naghihigpit sa paglabas ng mga menor de edad. 

Dalawang linggo isasailalim sa special lockdown ang nasabing compound. — Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.