PatrolPH

Araw ng mga migrante ginunita; dagdag na proteksyon sa OFWs inihirit

Johnson Manabat, ABS-CBN News

Posted at Dec 18 2020 06:52 PM

MAYNILA — Kasabay ng paggunita ng International Migrants Day ngayong Biyernes, muling inalala ng Migrante International at iba pang mga kaalyadong grupo ang sitwasyon ng mga overseas Filipino workers (OFW) at iba pang Pinoy na nakikipagsapalaran sa ibang bansa sa gitna ng pandemya. 

Muling ikinuwento ng isang seaman ang sinapit niya at ng mga kasamahan nang ma-stranded sila sa laot dahil sa COVID-19.

Kuwento ni Anthony Medina, crew ng fishing vessel na Ocean Star 86, halos 10 buwan silang stranded sa karagatang sakop ng China. Hindi anya nila nagawang makadaong sa pantalan at makababa man lang sa barko. 

Halos kakaunti lang din daw ang kanilang pahinga sa barko dahil maghapon at magdamang ang kanilang trabaho.

"Kami po talaga yung pinakadelikado ang trabaho, mababa pa ang pasahod... Yung pagpapauwi po sa amin halos abutin po kami ng 10 months," ani Medina sa isang press conference kasama ang iba pang stakeholders.

Ayon kay Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite, may mga panukalang batas na sa Kamara para tugunan ang hinaing ng mga tripulanteng Pinoy, gaya ng Magna Carta for Seafarer.

Nagpahayag din ng suporta ang United Methodist Church sa mga panukalang batas at programa para sa kapakanan ng mga migrant workers. 

Ayon kay Reverend Marie Sol Villalon, mahalagang pakinggan ng pamahalan ang panawagan ng mga seafarers at mga OFW para sa kanilang proteksyon. 

"Hindi puwedeng kikita lang ang mga kompanya, hindi puwedeng kikita lang ang gobyerno mula sa kanila, ang United Methodist Church ay labis na concerned sa isyu ng forced migration. Sa panahon ng pandemic kailangang matanto, ma-realize ng ating gobyerno na kailangang bigyang pansin ang trabaho ng mga Filipino sa loob ng ating bansa, hindi sa labas. At kung lalabas man ang mga Filipino para magtrabaho, kailangan mayroong equal protection," ani Villalon, anti-trafficking ministry head ng grupo.

Sinabi naman ng abogadong si Edwin dela Cruz ng International Seafarers’ Action Center na mabagal ang aksyon ng gobyerno para bigyang proteksyon ang mga mandaragat mula nang tumama ang pandemya. 

"Napakabagal nilang tugunan. Kung hindi pa magkaroon ng pressure ang mga seafarers, ang kanilang pamilya, media... Kaya hindi po totoo na sapat ang programa ng gobyerno sa repatriation," giit ni Dela Cruz.

Para kay Gaite, may mga maaari namang gawin pa ang gobyerno para iparamdam sa mga OFW ang pagkalinga nito. 

"May pondo para don sa ayuda... Bilisan lang nila yung pagbibigay nyan. Lalo na ngayon sa panahon ng kapaskuhan ay nag-create pa ng dagdag na mental stress," sabi ni Gaite. 

FROM THE ARCHIVES

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.