Zaldy Ampatuan hindi pa rin naililipat sa Camp Bagong Diwa

ABS-CBN News

Posted at Dec 18 2019 06:11 AM | Updated as of Dec 18 2019 06:15 AM

MAYNILA—Hindi pa rin naililipat sa Camp Bagong Diwa si dating Autonomous Region in Muslim Mindanao governor, Zaldy Ampatuan, isa sa pangunahing akusado sa Maguindanao massacre.

Ayon kay Makati City police chief Col. Rogelio Simon, nasa loob pa rin ng kaniyang kwarto sa Makati Medical Center si Ampatuan dahil sa wala pang discharge papers na inilalabas ang doktor nito. 

Kanina pa nakabantay ang pitong jail officer sa loob ng kuwarto ni Ampatuan. 

Naka-standby na din ang mga tauhan ng Makati City Police Station para magbigay ng assistance para sa seguridad sa ruta. Sila din ang maghahatid mula sa ospital patungo sa presinto. 

Matatandaan na naglabas ng kautusan si Quezon City Regional Trial Court 221 Judge Jocelyn Solis Reyes na kailangan nang maibalik sa piitan si Ampatuan dahil wala nang dahilan pa para manatili siya sa ospital.

Unang dinala sa Taguig Pateros District Hospital noong Oktubre 22 si Ampatuan dahil sa panghihina sa kaliwang bahagi ng kanyang katawan at slurred speech.

Kalaunan ay inilipat siya sa Makati Medical Center dahil sa kakulangan sa equipment ng naturang district hospital. Diniretso siya sa intensive care unit ng ospital pero nailipat din sa regular room nuong Oktubre 29.

Sa ngayon ay naghihintay na lang na maglabas ng discharge papers ang doctor ni Ampatuan para maihatid na ito sa kulungan sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.

Malalaman na ang hatol sa kaso ni Ampatuan, kasama ang iba pang mga suspek, Huwebes, sa Camp Bagong Diwa. 

Noong ika-23 ng Nobyembre taong 2009, 58 katao, kasama ang 32 peryodista, ang namatay sa Maguindanao Massacre. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.