SAPUL SA CCTV: Mga pekeng courier boys na gun-for-hire pala

ABS-CBN News

Posted at Dec 18 2019 06:07 PM | Updated as of Dec 18 2019 07:21 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Sapul sa CCTV sa Pasay City noong Disyembre 12 ang pamamaril ng mga inakalang delivery boys na mga gun-for-hire pala.

Pasado alas-10 ng umaga sa Barangay 124, Zone 12 ng Pasay City, kitang halos sabay dumating ang 2 motor na may tig-2 sakay.

Ang sakay ng isang motor, nakasuot ng helmet ng isang motor taxi app.

Ang sa kabilang motor naman, nakauniporme rin ng transport service.

Sunod namang dumating ang isa pang motor na may lalaking nakauniporme din ng motor taxi. 

Maya-maya, nang dumating na ang isang pulang kotse, nagsibabaan ang 3 salarin at tinadtad ng bala ang sasakyan.

Matapos ang pamamaril ay sumakay ng getaway motorcycle ang mga ito.

"Ang target nila 'yung nagda-drive na lalaki," ani Bgy. 124 chairman Rowel Bosque.

Dead-on-arrival sa ospital ang babaeng sakay, habang ang lalaking target ay nagpapagaling sa ospital matapos magtamo ng 5 tama ng bala. 

Itinanggi naman ng 2 kompanya ng motor taxis na rehistrado sa kanila ang mga nakitang motorsiklo. 

Ayon naman sa Philippine National Police (PNP), tila bagong modus ito upang hindi paghinalaan ang mga kriminal.

"Makikipag-ugnayan tayo sa mga courier services na 'yan nang ma-identify natin kung sino ang peke at lehitimo upang hindi rin magamit ang kanilang kompanya sa mga illegal criminal activities," ani PNP spokesman Police Brig. Gen. Bernard Banac. — Ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.