Pulisya may payo sa pagwi-withdraw sa mga ATM ngayong Pasko

ABS-CBN News

Posted at Dec 18 2019 03:41 PM | Updated as of Dec 18 2019 04:07 PM

Pinag-iingat ng Philippine National Police (PNP) ang publiko sa pagwi-withdraw sa mga ATM ngayong kapaskuhan kasunod ng panghoholdap at pagpatay kamakailan sa isang lalaki sa Quezon City.

Bagaman naka-red alert ang kanilang puwersa ngayong holiday season, aktibo rin ang masasamang loob na hangad makakuha ng instant na pera sa maling paraan, ayon kay PNP Spokesperson Brig. Gen. Bernard Banac.

Dahil dito, ipinayo ni Banac na iwasan ang pag-withdraw ng pera sa madidilim na lugar at maging mapagmatiyag sa paligid ng ATM.

"Piliin lamang natin ang lugar kung saan tayo magwi-wtihdraw ng cash sa ating ATM machines," ani Banac.

"Iwasan na mag-withdraw ng malaking halaga, yung kakailanganin lamang na salapi," dagdag niya.

May mga nakatalaga rin umanong patrol at help desks ang PNP sa mga commercial establishment.

Binitiwan ang babala kasunod ng pagpatay kamakailan sa isang lalaki na nag-withdraw sa ATM sa may Baesa, Quezon City.

Binaril ang lalaki ng mga salaring sakay ng motorsiklo kahit hindi siya pumalag sa mga ito.

-- Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.