Mga naulila ng Maguindanao massacre nagkaisa sa bisperas ng pagbaba ng hatol

ABS-CBN News

Posted at Dec 18 2019 07:47 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Nagsama-sama nitong Miyerkoles para sa candle lighting ceremony ang mga naulilang pamilya dahil sa Maguindanao massacre, isang araw bago ibaba ang hatol ng korte laban sa higit 100 akusado sa karumaldumal na krimen. 

Sa Roces Circle sa Quezon City, nag-alay ang mga pamilya ng isang taimtim na panalangin para sa mga kaanak nila na napaslang sa Maguindanao noong 2009. 

Matapos nito, nagbigay sila ng kani-kanilang mensahe para makamit ang inaasam-asam na hustisya.

Idinaan naman sa pagkanta ng isa sa mga anak ng biktima ang kaniyang saloobin sa isang dekada ng paghihintay ng katarungan. 

Matapos nito ay inilawan ang 58 kandila na kumakatawan sa bilang ng mga namatay sa massacre. 

Nobyembre 23, 2009, maghahain lang sana ng kandidatura sa pagkagobernador si ngayo’y Maguindanao Rep. Esmael Mangudadatu nang harangin ang convoy ng kaniyang pamilya.

Doon niratrat ang mga biktima ng mga armadong grupo sa utos umano ng mga miyembro ng Ampatuan clan, na balak sanang harangin ang pagkandidato ni Mangudadatu.

Sa Huwebes, nakatakdang ibaba ng isang korte sa Quezon City ang hatol sa mga dawit sa kagimbal-gimbal na krimen.

—Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.